Tuesday, 27 March 2012

Beavers Tanker: Bigo mang madepensahan ang titulo, hangad padin ang pagbawi sa susunod na mga laban


  • Ang pagkapanalo ay isang hamon upang mas pag-igtingin pa ng mga manlalaro ang kanilang talentong ipinamamalas sa labanang pampalakasan.

    Hamon na dapat ay paghandaan upang madepensahan ang titulo ng pagkapanalo na kanilang tangan.

    Ngunit, kabaliktaran ang naging kapalaran ng kalalakihan ng College of Architecture and Fine Arts Beaver na lumagapak at tila nalunod sa Swimming events na kanilang pinagharian noong nakaraang Intramurals 2010.

    Kumpara sa 11 na ginto, dalawang pilak at isang tanso noong nakaraang taon, iisang pilak lamang ang naiahon ng lalaking Beavers na naglubog sa kanila sa huling pwesto sa kampayan sa swimming event ng Intramurals 2011, ginanap sa Bulacan Sports Complex noong ikawalong araw ng Setyembre.

    Pagpapakawala sa titulo
    Tila tsamba lamang ang lumalabas na ilustrasyon kung susumahin ang pagkapanalo ng Beavers Tankers noong nakaraang taon. Ito ay matapos na hindi nila madepensahan ang pagiging kampeon sa naturang kerera.

    Ngunit, ayon kay Arch. Jefferey Carlo Gavino, ang coach ng manlalangoy ng CAFA, kakulangan sa manlalaro ang naging problema sa pagkatalo ng koponan na kanyang inaalagaan.

    “Marami ang default, maraming hindi nakalaro. Dahil, isa sa mga naging problema [ng team] ‘yung may iba [mga players] ay double events.”

    Lingid sa kaalaman ng ibang kalahok na habang sila ay nagsisikampay, ang dapat na kanilang kalaban na mula sa koponan ng Beavers ay kasabayan nilang lumalaro sa ibang patimpalak tulad ng basketball, billiards at iba pa.

    Nagpapatunay na kakulangan ng dedikasyon at tutok ng mga malalaro sa isang event ang naging pangunahing sanhi sa pagbagsak ng CAFA Beavers sa huling pwesto sa naturang laro.

    Mayroon ngunit Kulang
    “Siguro ‘yun din, nagkulang kami sa training.” ani ni Arch. Gavino.

    Kakulangan din sa pag-eensayo ang isa sa mga idinadahilan ng koponan. Ito ay dahil sa pitong araw lamang ang naging pag-eensayo ng mga manlalaro at may limitadong oras lamang. At mula sa pitong araw na ito, kung sino lamang ang bakante at wala masyadong ginagawa ang nakakadalo at nakakapagsanay.

    “Marami kasi silang ginagawa, kaya ‘yung training nila sige-sige lang.”
    Ngunit, ayon naman sa mga manlalaro, noong nakaraang taon ay hindi naman sila nakapag-ensayo at agad na lamang silang sumabak sa pagkampay, tanging tamang diet lamang ang pinag-handaan ng mga manininisid.

    Hanggang sa muling pagbangon
    “Babawi kami next year,” taas noong sambit ni Jay Roque Marquez

    Marahil ay nabigo at hindi nadepensahan ang titulo ngayong taon, hinahangad pa din ng koponan ang pagwawagi sa mga susunod na taon.

    Maluwag nilang tinanggap ang pagkatalo sa patimpalak ngayon, bagkus, dala pa din nila ang hangaring mababawi nila ito sa susunod na taon. Ito ay dahil na rin sa alam ng grupo ang dahilan kung bakit sila nasadlak sa pwestong kinalagyan nila ngayon.
Posted at BAJ-3 FEATURE WRITING, facebook group, last September 18, 2011 at 3:18pm

No comments:

Post a Comment

Post a Comment