Tuesday, 27 March 2012

Bagyong Pedring: Sinalanta ang Bulacan. Tubig ng Dam, nagkasalubong

  • Sinalubong ng dumadagundong na lakas ng hangin ang pagsabog ng liwanag sa kalangitan na nagdulot ng pagkabahala sa mga Bulakenyo.

    Kasabay ng hangin, unti-unting nilamon ng makulimlim na ulap ang liwanag ng kalangitan.

    At sa pagdilim ng kalangitan, patuloy pa rin ang paghampas ng hangin sa bawat bubong at mga puno sa bawat lugar at agad-agad na pumatak ang naglalakihang butil ng tubog ulan.

    Bagyo’t dulot na Peligro
    Pinasok ng bagyong Pedring ang teritoryo ng bansa noong ika-27 ng Setyembre, araw ng Martes, bitbit ang mga posibleng mga delubyong maidudulot sa bawat probinsyang babaybayin nito. At sa kaparehong petsa, nakipagsapalaran ang nasabing bagyo sa lalawigan ng Bulacan at agad na nagtala ng ‘Signal no. 2’.

    Hindi lamang naglalakasang bayo ng hangin at walang tigil na pag-ulan ang namerwisyo sa bawat Bulakenyo. Nagkaroon din ng biglaang pagtaas ng tubig baha sa ilang mga bayan sa lalawigan at malawakang pagkawala ng kuryente sa iba’t ibang lugar.

    Ang biglaang pagbaha ay ang resulta ng pagsasama ng tubig na mula sa nasirang irrigation dam sa San Miguel, Bulacan at pagpapakawala ng tubig sa Ipo dam, na nagpalubog sa kalakhang bayan ng Calumpit, Hagonoy at ilang bahagi ng Malolos at Pulilan. Samantala, ang pagkawala ng suplay ng kuryente ay dahhil sa lakas ng hanging dala ng nasabing bagyo.

    Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), mula noong araw ng pagdating ni Pedring hanggang ika-29 ng Setyembre ika-lima ng hapon, may 163, 784 na pamilyang apekto ng naturang bagyo sa loob ng 314 na baryo sa lalawigin ng Bulakan.

    Samantala, may 1,691 na bilang ng tahanan ang nasira na maaari pang ayusina’t tirahan; at umabot naman sa bilang na 528 na tahanan ang buong-buo na sinuro ng hanging dala ni Pedring na hindi na maaari pang tirahan.

    May ilan ding mga puno na nagsitumbahan ang humarang sa daan at mangilan-ngilan naman ang direktang tumumba at sumuyod sa mga tahanan.

    Bukod pa dito, may 12 na katao ang naitalang binawian ng buhay nang dahil sa pananalasa ni Pedring. Napag-alamang anim sa mga namatay ay nalunod sa tubg baha; isa sa lungsod ng Meycauayan, isa din sa bayan ng San Miguel at apat naman sa Obando. Samantalang may tag-tatlong namatay dahil sa pagkakadagan ng mga natumbang puno at bumigay na bahay,; isa sa San Jose Del Monte at dalawa sa bayan ng Sta. Maria, at aksidenteng nakuryente sa mga ligaw na kable; isa sa bayan ng Balagtas at dalawa naman sa Calumpit.

    Sa kabilang banda, ayon pa rin sa datos ng PDRRMO, dalawang katao naman mula sa bayan ng Obando ang nawawala at kasalukuyan pa din hinahanap.

    Aksyon. Likas. Kanya-kanya.
    At dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa bayan ng Calumpit at Hagonoy, nagtulong-tulong ang mga rescue team na ilikas ang bawat apektadong Bulakenyo sa mataas na lugar.

    Araw ng Biyernes, ika-30 ng Setyembre, maraming mga trak na pabalik-balik ang nagtutulungang iahon ang mga nasalanta at unti-unting inililikas patungo sa lungsod ng Malolos ang mga ito.

    Kasama sa mga nailikas na ito ang pamilya nila Tata Manuel Pardo, nasa pagitan ng animnapu hanggang pitongpu ang kanyang edad, mamamayan ng bayan ng Calumpit.

    “ ‘Nung Martes nagsimulang magkaroon ng tubig at biglaan nalang tumaas ang tubig, hanggang sa maging lampas tao na,” ani ni Tata Pardo.

    Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, tanging kaunting bilang lamang ng damit ang kanilang nasalba, na siya namang bitbit-bitbit nila habang nakatayo sila sa sakayan sa tapat ng Mini-Forest sa harap ng Kapitolyo ng Bulacan, kung saan sila ibinaba ng kanilang pinaglululanang trak.

    “[Noong] lumikas kami, bubong nalang ng mga bahay ang nakikita, lubog na lubog na talaga sa lugar namin,”

    Samantala, ayon sa kaniya, walang nakahandang evacuation center para sa kanila at kanya-kanya na ang sistema ng paghahanap kung saan sila dadayo ng silungan.

    “Kami? Uuwi kami sa Nueva Ecija, makikisilong muna kami sa mga kamag-anak namin ‘dun,”

    Ngunit, ayon sa isang source, may ilang mga lokasyon kung saan lumalagi ang ibang nasalanta pero ang karamihan ay nakituloy sa kani-kanilang mga kamag-anak.

    Gayunpaman, kasalukuyan pa din ipinagpapatuloy ang pagsagip at pagtulong ng gobyerno at mga NGO’s sa abot ng kanilang makakaya. May ilang mga indidbwal at grupong nagbibigay ng mga relief-goods sa opisina ng gobyerno. Maging ang mga estasyon sa telebisyon ay patuloy ang pag-antabay patungkol sa progreso ng pagsasaayos sa lalawigan ng Bulacan.

    Sa katunayan, marami na sa mga mamamayan ng Bulacan, ang mga Bulakenyo, ang handa nang harapin ang muling pagbangon ng lalawigan matapos ang sakuna.

No comments:

Post a Comment