Tuesday, 27 March 2012

Pedring at Quiel: Ekspedisyong hindi maitatapon


  • Halos sumabay ang pagbayo ng hangin sa pagtilaok ng manok na siyang nagpagising sa karamihan sa mga tao sa aming lugar, sa Guiguinto, lalo na sa akin.

    Lamang na ang liwanag ngunit, mukhang nakikipag-agawan ang dilim ng kalangitan na nagbabadya ng bugso ng ulan.
    Halos matuklap na ang mga yero sa bubong ng mga bahay at ilang garahe sa paligid ng aming tahanan.

    Araw ng Martes, ika-27 na araw ng Setyembre, hindi pa man din tuluyang naaaninaw ang pagsikat ng araw ay nagsahimpapawid na si bagyong Pedring. Ito rin ang unang araw ng pagbaybay ng bagyo sa ating bansa.

    Delubyong Pedring
    Hindi man tayo ang naging sentro ng daan ng bagyo, ang Bulacan pa din ang naging pinaka-nasalanta sa buong bansa.
    Takot at kaba ang aking naramdaman habang nasasaksihan ko ang pagsayaw ng mga punong kahoy at ang saliw ng musika na nilikha ng paghampas ng malakas na hangin.

    Wala pa man ang pagbuhos ng ulan, agad-agad na nawalan ng kuryente sa kalakhang lalawigan. At dahil sa malakas na paghampas ng hangin ay agad-agad na rumispunde ang mga taga-pangasiwa sa enerhiya upang hindi ito magdulot ng peligro sa nalalapit at posibleng sakuna.

    At dahil sa pagkawala ng kuryente na ito, ako at ang mga kasama ko sa bahay ay nainip at hindi naging produktibo ang araw.
    Bumuhos ang ulan, karamihan sa mga kabataan ang nagtatatakbong naliligo sa ulan. Hindi nila alintana ang peligrong maaaring mangyari sa kanila habang nakikipagsabayan sila sa lakas ng hangin.

    Gayunpaman, sinubukan ko ding sugudin ang lakas ng hangin. Kasama ang aking pinsan, nilakad namin ang daan patungong labasan upang humanap ng bukas na tindahang maaring bilhan ng makakain.

    Habang binabaybay namin ang daan patungo sa tindahan, may ilang beses na bumaliktad sa pagkakatupi an gaming gamit na payong. At halos matangay na din kami ng hanging humahampas sa aming mga katawan.

    Bukod pa dito, nakakita din kami ng isang garahe na bumagsak ang bubong na tiyak na sanhi ng malakas na pagbayo ng hangin ni Pedring.

    Pasyal bago si Quiel
    Matapos ang ilang araw, ginulantang ng mga balita ang aking ulirat nang malaman ko na ang bayan ng Hagonoy, Calumpit at ang ilang parte ng Pulilan at Lungsod ng Malolos ay lubog na sa baha, na dulot ng pagsasalubong ng tubig mula sa Ipo Dam at sa nasirang irrigation dam sa San Miguel.

    Bidang-bida sa mga estasyon ng radio at telebisyon ang mga nasabing lugar. Maraming mga Bulakenyo ang humihingi ng tulong upang ma-rescue sila ng mga tauhan ng opisyal ng pamahalaang panlalawigan at maging ng ilang pribadong institusyon.

    Samantala, habang tinatahak namin ang North Luzon Expressway paluwas, parang natutunaw ang aking puso habang nakikita ko ang ilan sa na naputol na puno, nalubog na bahay at maging mga kabuhayan ng ating kababayan.

    Noong araw na muling ibinalik ang klase sa BulSU, naaawa ako sa mga taong inililikas ng mga rescue team na nagmula sa mga nalubog na lugar. Trak-Trak ang ibinibyahe ng mga tao.

    Makabuluhang  oras
    Sa kasabay na araw, naligaw ako sa opisina ng Philippine Red Cross- Bulacan Chapter (PRC-BC), ang lugar kung saan hindi na nakakauwi ang mga volunteer dahil sa daming kanilang gawain na dapat nilang isakatuparan sa kapakanan ng ilan sa ating mga kababayan.

    Marami ang mga nakipagbayanihan upang matulungan ang mga kapwa nila Bulakenyo. Naglungsad ng pangungulekta ng mga lumang damit at relief goods ang Office of Student Organization at maging ang Student Government ng BulSU. Gayundin ang samahan na kinaaaniban ko, ang BulSU-Red Cross Youth, nangulekta at tumulong kami sa pamimigay ng mga relief goods sa mga nasakunang lugar.

    Sa katunayan, noong ika-6 ng Oktubre, ako kasama pa ng ilang miyembro ng nasabing organisasyon, ay tumulong sa PRC-BC na magdala ng relief goods sa Hagonoy. Nasaksihan ko ang hindi-na-malalalang-baha sa nasabing bayan. Ngunit, marami pa rin sa mga nadaanan naming mga barangay ay may kalaliman pa rin ang tubig baha.

    Habang tinatahak ang daan patungo sa munisipyo ng bayan, may ilang grupo ng kalalakihan an gaming nadaanan sa may barangay Sto. Nino. Ang ilan sa mga ito ay nagnanais na sumakay at may isang sumampa agad sa aming sinasakyang trak. Ngunit, dahil sa relief operation ang aming serbisyo, sinabihan namin ang mga kalalakihan na hindi kami maaaring magsakay. May isang lalaki na nagalit at nagsisisigaw habang patuloy na gumugulong ang gulong ng aming sinasakyan.

    “Naturingan pa man din kayong taga-Red Cross… Kaya kayo nandiyan para tulungan ang mga naghihirap. Isang kilong bigas lang naman ang pinamimigay niyo,Kaya naming bilhin ‘yan,” ani ng nagagalit na lalaking taga-Hagonoy, sabay mura sa dulo.

    Habang naririnig ang mga katagang sinabi ng nasabing lalaki, nakaramdam ako ng ‘di malamang pakiramdam na parang may kumukurot sa aking puso. Nahiya at nawa ako sa kanila dahil hindi namin sila naisakay sa trak na puno ng relief goods.

    Napag-alaman ko ang dahilan kung bakit hindi namin sila maaaring isakay sa trak.ito ay dahil kapag pinasakay namin sila ay tiyak na tutupukin kami ng mga tao na nag-nanais din sumakay.

    Gayunpaman, nasiyahan ako sa mga naranasan ko noong mga araw na iyon. Naging makabuluhan ang mga oras ko sa mga taong nangangailangan. Nabasa man ako ng ulan, naarawan at lalong nangayumanggi ang kulay ay magsisilbi ‘yung tatak ng kabayanihan kong ituturing na ginawa.

No comments:

Post a Comment